Posts

Showing posts from December, 2025

12-anyos, patay sa paputok

Image
12-ANYOS, PATAY SA PAPUTOK akala ba ng batang ang pinulot na paputok ang maging sanhi ng maaga niyang pagkamatay isang produktong pampasaya raw ng Bagong Taon subalit masaya bang masayang ang kanyang buhay? dahil sa maling paniniwala at delikado dahil sa maling kulturang pinamayani rito sinong mananagot? ang pabrika ba ng paputok? sinong sasagot sa gastusin, hustisya't kabaong? kapitalista ng paputok ba ang sumasagot sa mga gastusin sa ospital at mga gamot? hindi! tubò, kita lang ang kanilang pakialam produkto man nila'y makasakit o pumatay man dapat nang baguhin ang ganyang maling paniwalà nagbago lang ang petsa, mga produkto'y nilikhâ upang pagtubuan at payamanin ang gahaman at lumawak ang imperyo nila't kapangyarihan katarungan sa batang walang malay at namatay oo, negosyante ng paputok ang pumapatay kunwari'y masayang salubungin ang Bagong Taon ng paputok, nilang buwitreng masa'y nilalamon - gregoriovbituinjr. 12.30.2025 * ulat mulâ sa pahayagang Bulgar, Dis...

Sa 3 bayaning nagdiwang ng ika-150 kaarawan ngayong 2025

Image
SA 3 BAYANING NAGDIWANG NG IKA-150 KAARAWAN NGAYONG 2025 pagpupugay po kina Oriang, Goyò, at Pingkian sa kanilang pangsandaan, limampung kaarawan ngayong taon, kabayanihan nila'y kinilala na noong panahon ng mananakop nakibaka si  Oriang  na asawa ng Supremo Bonifacio Lakambini ng Katipunan, rebolusyonaryo si  Heneral Goy ò  ay napatay ng mga Kanô sa Pasong Tirad, na inalay ang sariling dugô si  Gat Emilio Jacinto , Utak ng Katipunan kasangga't kaibigan ng Supremo sa kilusan sa  Kartilya ng Katipunan  ay siyang may-akda ang  Liwanag at Dilim  niya'y pamana ngang sadyâ taaskamaong pagpupugay sa tatlong bayani ang halimbawa nila'y inspirasyon sa marami sa bayan sila'y nagsilbi at nakibakang tunay nang tayo'y lumayà sa pangil ng mga halimaw - gregoriovbituinjr. 12.17.2025 * mga litrato mula sa google

Kaypanglaw ng gubat sa lungsod

Image
KAYPANGLAW NG GUBAT SA LUNGSOD anong panglaw nitong gubat sa kalunsuran araw-araw na lang iyan ang magigisnan dahil ba kayraming kurakot sa lipunan? dahil laksa ang buktot sa pamahalaan? naluluha ako sa mga nangyayari bansa'y mayaman, mamamayan ay pulubi manggagawa'y kayod-kalabaw araw-gabi habang kurakot sa bayan daw nagsisilbi minamata nga ng matapobre ang pobre sarili'y sinasalba ng trapong salbahe sistema na'y binubulok, iyan ang siste di na ganadong mapagana ang granahe dahil sa ayuda trapo na'y iboboto pera-pera na lang upang trapo'y manalo kaya ngayon pa lamang ay isisigaw ko: serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo! - gregoriovbituinjr. 12.14.2025

Sa ikaanim na death monthsary ni misis

Image
SA IKAANIM NA DEATH MONTHSARY NI MISIS kalahating taong singkad na nang mawalâ si misis ngunit puso'y tigagal pang sadyâ ako man ay abala sa rali't pagkathâ na mukha'y masaya subalit lumuluhà Hunyo a-Onse nang mamatay sa ospital naghahandâ na sanang umuwi ng Cubao uuwi kaming Lias ang bilin ng mahal iba sa inasahan, mundo ko'y nagunaw akala ko'y buháy siyang kami'y uuwi alagaan siyang tunay ang aking mithi subalit sa pagamutan siya'y nasawi sinta'y walâ na't siya'y aming iniuwi tigib pa rin ng luha yaring iwing pusò subalit sa búhay, di pa dapat sumukò kathâ lang ng kathâ kahit nasisiphayò sa bayan at sinta'y tutupdin ang pangakò  - gregoriovbituinjr. 12.11.2025